Andy Oreta (08/29/2023)
Maaga aalis, Makaiwas trapik sana
Palabas pa lang ng bahay, may abala na
Kotse ng kapitbahay, Bakit naka-park sa tapat pa
Hoy trapik, Isa kang problema!
Biyahe sa kalye, Kotse’t trak nakapila
PUJ sa tapat, Sa bagal ng takbo ay isang aberya
Kaliwa’t kanan, Motorsiklo biglang haharurot pa
Hoy trapik, Nakakainis ka na!
Pagdating sa interseksyon, May ilaw trapiko na
Berde, dilaw at pula - Mga kulay na giya sana
Pero pag kulay berde, ang trato ni pulis ay pula
Hoy pulis trapiko, Litong lito ka ba?
Sa wakas malapit at makakarating na
Usok, init at pawis – aking naging parusa
Hoy trapik, Oras ko ay sinayang mo na
Mag LRT na lang ako, Makakaupo’t makaka-idlip pa!
NOTE: Ang tulang ito ay nabuo sa isipan ko habang nagmamaneho ng dalawang oras mula sa aking tahanan sa Quezon City papuntang Marco Polo Hotel sa may Ortigas Ave. Dati kulang lang 30 minuto ang biyahe.