Showing posts with label Tula. Show all posts
Showing posts with label Tula. Show all posts

Wednesday, September 13, 2023

Bruno


Bruno

by Andy Oreta (9/12/2023)

  • Disiplinado sa kulungan, Sobrang bibo naman kapag pinakawalan
  • Matalas ang pandinig, Alisto kapag may bantang nararamdaman
  • Paikot-ikot sa kulungan, Kapag oras na ng kainan
  • Kagat ang “rubber ducky,” Gigil na gigil sa pagtakbo’t puno ng kasiglaan
  • Matikas, malikot at maliksi, Bruno ang kaniyang pangalan


NOTE: Si Bruno ay isang mini pinscher na kapatid ni Luna (Sept 2016 +) at Pepper ( Jan 2017 +)

Sunday, September 10, 2023

PUSA - Isang tula

 

Pusa
by Andy Oreta (9/10/2023)

Noong kuting ka, Ang kyut kyut mo talaga

Tinawag kang “Nene,” Akala namin babae ka

Paglaki mo, Mali kami, Lalakeng pusa ka pala

Kaya “Nunu,” Ang naging tawag na sa iyo, Pusa

 

Sa umaga, nakatambay ka, malayo ang tingin sa may bintana

Sa hapon, Nakahiga sa mesa, Nakatihaya pa

Sa gabi habang may K-Drama, Nakikinood ka

Katabing nakikisalo at may chips na pabirito pa!

 

Sa maliit na kahon o butas, Sumisiksik ka

Ano bang mayroon sa kahon at komportable ka?

Sa mesang kainan, doon madalas kang nagpapahinga

Katabi mo ang mga pagkain na naka-ahin sa mesa

 

Sa looban ng bahay madalas nakabantay ka

Akala namin, Daga ang iyong pinupuntirya

Hindi pala, Gusto mo lang makihiga sa malambot na kama

Ay Pusa!, Di ka lang bida, Ikaw pala ang boss sa pamilya!










Oscar - Isang Tula para sa Isang Bida!


OSCAR 

by Andy Oreta (9/9/2023)

Paglabas ko sa kuwarto naka-abang ka na

Wagayway ng buntot kaliwa’t kanan pa

Pag-upo ko sa mesa, Nakanganga ka na

Naghihintay ng almusal, Yung masarap na tira

 

Habang nagpapahinga at nanonood ng K-drama

Ikaw ay nakahiga paikot-ikot sa aking mga paa

Madalas nagpapansin para maglaro at magsaya

Ay Oscar, Sa loob ng bahay, Ikaw ay bida









Friday, September 1, 2023

Hoy Trapik!

 




Hoy Trapik!

Andy Oreta (08/29/2023)

Maaga aalis, Makaiwas trapik sana

Palabas pa lang ng bahay, may abala na

Kotse ng kapitbahay, Bakit naka-park sa tapat pa

Hoy trapik, Isa kang problema!

 

Biyahe sa kalye, Kotse’t trak nakapila

PUJ sa tapat, Sa bagal ng takbo ay isang aberya

Kaliwa’t kanan, Motorsiklo biglang haharurot pa

Hoy trapik, Nakakainis ka na!

 

Pagdating sa interseksyon, May ilaw trapiko na

Berde, dilaw at pula - Mga kulay na giya sana

Pero pag kulay berde, ang trato ni pulis ay pula

Hoy pulis trapiko, Litong lito ka ba?

 

Sa wakas malapit at makakarating na

Usok, init at pawis – aking naging parusa

Hoy trapik, Oras ko ay sinayang mo na

Mag LRT na lang ako, Makakaupo’t makaka-idlip pa!


NOTE: Ang tulang ito ay nabuo sa isipan ko habang nagmamaneho ng dalawang oras mula sa aking tahanan sa Quezon City papuntang Marco Polo Hotel sa may Ortigas Ave. Dati kulang lang 30 minuto ang biyahe. 





Tuesday, August 15, 2023

Mga Unang Tula ni Andy

Sa araw araw na pananatili sa bahay ay minsan ako'y nabibigyan ng inspirasyon upang magsulat ng tula. Itong dalawang tula (tula nga ba ito?) ay sinulat ko sa dalawang okasyon - noong maulan at tinututukan ang mga tulo sa bahay at noong pawisan akong nagkokompyuter. Sana magustuhan ninyo ito.



Ulan, Ulan

by Andy Oreta (07/29/2023)

Ulan, Ulan, kailan ka magpapaalam?

Baha na sa aming kapaligiran

Lubog na ang lupa at ang mga halaman

Tila ilog na ang mga kalye’t daanan

 

Ulan, Ulan, kailan ka magpapaalam?

Inip na ako sa bahay at walang kakuwentuhan

Sawa na rin sa Netflix at KDramahan

Gusto ko ng lumabas at maglakad sa malawak na lansangan

Ulan, Ulan, kailan ka magpapaalam?




O Araw

Andy Oreta (08/14/2023)

 

O Araw, ang init mo naman

Maghapon naka-ON, ang aming elektrik fan

Ilang ligo’t shower sa maghapon, di ko na mabilang

Ganoon pa man, pawisan pa rin ang aking katawan

O Araw, ang init mo naman

 

O Araw, bakit ka nagkaganyan

Noon, pagsikat mo, mahangin sa buong kabahayan

Presko’t masaya, aso’t pusa at mga halaman

Parusa ba yan sa amin na di malingap sa kalikasan?

O Araw, ang init mo ay aming buhay at kinabukasan

Mga kabataan, yan ang inyong dapat tandaan